Sunday, July 1, 2012

Kung makapagsasalita lamang ang ulan

Walang makapagsasabi kung kailan unang pumatak ang ulan sa lupa.

Isa ito sa mga lihim na nakasilid sa bawat patak ng ulan
Na iniluluwal ng buntis na ulap.

Marahil ay batid din ng ulan ang kahulugan ng buntong-hininga
Ng lupa matapos ang nakasasamid na tag-init.

Masasagot din nito kung ano ba talaga ang paksa ng huntahan
Ng mga palaka o ang dahilan ng bulung-bulungan ng mga kulisap.

Nakabisado na rin ng ulan ang sayaw ng mga damo at halaman
At kung saan nagmumula ang musikang kanilang sinasaliwan.

Batid rin nito marahil ang mga lihim na lagusan sa ilalim ng lupa
Na tumutugpa pabalik sa malihim ring dagat.

Walang makapagsasabi kung ilang ulit nang bumalik
Ang mga patak ng ulan sa sinapupunan ng ulap.

Para sa ulan na kasintanda na marahil ng daigdig
Nahanap na niya ang kasagutan sa maraming hiwaga.
Kasama na ang hiwaga na kung bakit lagi-lagi pa rin siyang
Nananabik  na tumapak sa lupa.

Tanging ang ulan lamang ang makapagsasabi.

Friday, October 28, 2011

Ang Dagang Nagalit sa Mouse

Unti-unti,
sinakop siya ng lason.
Sa una ay nawala ang lakas.
Kung noon ay pakunyapit na nailalawit
ang katawan mula sa kisame para maglimayon
sa sahig at umakyat sa mga mesa,ngayon ay naliliyong
sinisilip ang butas na tila dumurungaw sa bangin.
Sumunod na umalis ang liksi. Kung dati ay simbilis
ng kurap na natatawid ang balikat ng mga dingding.
Ngayon ay nagmamakaawa ang bawat usad
ng nanginginig na mga paa. Natanaw niya mula sa butas
ng kisame ang dagang walang mata at nasa ulo ang buntot.
Natatandaan niyang araw-araw itong nililimliman ng palad
at malayang nakapagpapahinga sa ibabaw ng mesa.
Taliwas sa kanyang karanasan ng minsang isang umagang
lumabas ng lungga. Nakapanghihilakbot ang tilian.
Nakalilito ang yabag ng mga paang nagpulasan.
Tinipon niya ang nalalabi niyang lakas: Inilawit ang katawan
sa kisame at tinulay ang dingding papunta sa mesang
tirahan ng dagang walang mata. Simbagal ng kanyang
paghinga ang kanyang pag-usad.Tinakluban pa ng dilim
ng paligid ang lumalabo na niyang paningin.
Nang marating ang pakay, agad

na nginatngat
ang buntot
ng dagang
walang
mata
bago
ang
hini
nga’y
tu
lu
yang
ma
la
got.

Tuesday, October 11, 2011

Fluorescent

Minsan, sinuway ng naghihimutok
Na fluorescent ang palautos na switch.

Ipinikit ng mariin ang talukap ng liwanag
At hindi inalintana ang nagbabantang mga palatak.
Hindi rin pinakinggan ang udyok ng koryente
At kalabit ng kawad sa ilalim ng balat ng kisame.
Natuwa pa sa mga reklamong narinig
Mula sa mga naabalang mga tinig na
Umaasa sa kanyang sinag.


Tumigil sa pagpitik ang switch.
Nanahimik ang koryente at kawad.
Nakiramdam ang mga tinig.
Nagbunyi ang fluorescent.

Ngunit bago pa man makadilat
Ang nagsasayang fluorescent,
Isang pares ng kamay ang nagbaklas
Sa kanya mula sa kisame.

Thursday, August 4, 2011

Pamamalakaya

Nagsisimula ito sa pagbigat ng talukap.
Kasunod ang pagsagwan ng malay palayo sa pampang,
Papalaot sa nakalatag na dagat ng haraya.

Tinalukbungan ang buwan ng itim na kumot ng gabi.
Bahagyang kikislot ang dagat at iuugoy ang bangka
Patungo sa kung saan mainam ihagis ang lambat.

Unti-unti, mapupuno ang lambat ng samot-saring hulagway.
Kaya’t bahagyang kukurap ang katig sa rabaw ng dagat.

Iaahon ang mga pumapasag pang mga pangitain:
Maingat, upang walang makakawala sa lambat.
Maingat, upang walang makatalon pabalik sa tubig.
Maingat, upang may malikom pagbalik sa dalampasigan ng paggising.

Rev. 11 Okt 2011

Friday, July 22, 2011

Sunday, June 12, 2011

Ang bato

… umibig ang bato sa palad, pag-ibig na sang-iglap napaangkin sa kuyom ng limang daliri bago ito ipukol sa tubig…
Kilapsaw, Rio Alma

Kagilagilalas ang aking simula.
Bumulwak akong gaya ng usok,
Asupre, abo at apoy mula sa sikmura ng mundo.
Naisip kong gaya ng aking simula,
Magiging kamangha-mangha rin ang aking silbi
Sa ibabaw ng lupa.

Nangarap akong maging bahagi ng isang tore.
Kung maari, nais kong mailagay
Sa pinakamataas na lugar.
Sa ibabaw ng iba pang mga bato
At makaulayaw ang mga ulap.
Mula sa itaas, matatanaw ko ang lupang pinagmulan.

O, kung hindi man makaangat mula sa lupa,
Nais ko rin ang mailatag sa isang makinis
At nahawan nang daan, humalik sa talampakan
Ng mga peregrinong gumagalugad
Sa mga hiwaga ng mundo.

Mainam rin kung ako’y maitanghal
Sa isang bulwagan bilang pinong-pinong
Obra ng isang eskultor.
Sasalatin ng mayuming mga daliri
Ang aking rabaw.
Paliliguan ng humahangang titig
Ang aking kabuuan.

Ngunit ang paghihintay ay nakababagot.
Makailang ulit akong dinaanan ng tag-araw.
Naghihikab na tinuya ang aking paghihintay.
Habang ang tag-ulan naman ay masugid
Sa paulit-ulit na pagtudla at pagsubok
Sa tibay ng aking dibdib.

Mula sa matikas na tipak ng bato,
Ako ngayo’y pira-piraso, durog-durog
Na nakakalat sa ibabaw ng lupa.
Nananalangin na may isang kamay
Na sa aki’y pumulot at magpukol sa lawa.
Makalikha man lamang ng mga mumunti
At panandaliang mga kilapsaw,
Bago tuluyang bumulusok sa pusod
Ng pinagmulang panglaw.


Monday, May 16, 2011

Pagdalaw sa Mamburao



Kamakalawa lang ay pupungas-pungas ka nang pagbuksan mo ako ng pinto.
Hindi ka ginising ng tilaok ng manok, kundi ng mga naghihikab kong katok.

Batid mo ang layo ng aking nilakbay.
Kaya’t matapos kong banlawan ang alat sa aking balat,
Pinahilig mo ako sa iyong balikat habang hinihintay na mag-inat ang araw.

Sa pagyakap sa iyo ng liwanag,
Masuyong halik ng hangin ang gumising sa akin.
Maaliwalas ang iyong langit, nakangiti.
Nangangako nang maalab na init hanggang sa pagtatakipsilim.

Pinarinig mo sa akin ang paanyaya ng mga alon.
Kaya't tinalunton ko ang daan papunta sa pampang.
Nakipagsayaw ako sa mga nanunudyo mong alon.

Nang mahapo'y namahinga sa lilim,
Habang isinusulat ang mga agam-agam sa buhangin.
Mga agam-agam na agad mo ring hinipan, pinawi.

Ganito lumipas ang dalawang maghapon.
Hanggang sumapit ang dapithapon ng aking paglisan.
Sinubukan mo akong pigilan―
Niyakap ng mga bundok ang gilid ng daan patungo sa pantalan,
Nilambungan mo nang makapal na ulap ang langit.

Ngunit napagtanto mong hindi na ako magpapapigil.
Kaya't dalawang bahaghari ang iyong pinitas, ipinalamuti sa aking leeg.
Kasabay ang pangakong hihintayin mo ang susunod kong pagdalaw