Friday, July 9, 2010

Misis Sari-sari

Ang payo mo’y araw mainam simulan,
Kung nag-aagaha’t may laman ang tiyan.
Tinda mo ay saging, monay na nilamnan.
Kulang ko sa takda, nito nawa’y punan.

Kung ika’y abalang pulbusan ang mukha,
At pinapupula, nakausling tuka.
Siyang naatasan, bayad ay magtala,
Galíng sa pagk’wenta, lubhang mahahasa.

Ng aking basahin, tinda mong magasin,
Dito ko nalaman pormula ng asin.
Kislap ng bituin, nabigyan ng pansin,
At gawi ng langgam, kay sinop at sinsin.

Sa harap ng pintong laging nakanganga,
Kapwa guro’y hanap, mga pampaganda.
Klase’y magpupugay, babating masaya,
Mga panauhi’y tiyak maestima.

Aralin mong bigay, bilang sa daliri.
Sikap namang taglay, walang pasubali.
Sa maiksing kumot, di payag mabali,
Kahit magmistulang tinda’y sari-sari.

Tuesday, June 29, 2010

Pangingibang-bayan

Sa langit ko'y ulap laging nakahimpíl,
Hapo't lumbay, sa puso ko'y pumipisíl.
Milyang dagat yaring agwat, laya'y sikíl.
Kahirapa'y labis-labis itong singíl.

Umaga sa MRT

Patatagin mo ang túhod.
Dala'y ikipkip sa púsod.
Humanda na sa pagsúgod.
Heto na'ng higanteng úod.

Ang Tunay na Siga

Hari ng kalye si Lito.
Panghasiwas niya’y tubò.
Kagyat namang mapapakò,
Pagkat misis may pamalò.

Torpe

Alaala kitang lagì,
Nalangó sa iyong yumì.
Lámang, tuwing maglilimì,
Tapang ko ay nalilikì.

Bago Umulan

Dilìm at hangi’y may bantâ,
Kidlat sa langit, humiwâ.
Kaya’t payong ay ihandâ,
Ng sa ulan, di mabasâ.

Saturday, February 20, 2010

Tatlong Tanaga

I. Taghibas
Dagat ay sáyang lilis,
Binting ubod ng kinis.
Buhanging sakdal pino,
Sígay, tila mga kuko.


II. Panginginain
Dahilig na ang araw,
Tumunog ang batingaw.
Hayan ang mga paslit,
Mga bakaý kinukulit.

III. Pagkukukot ng Kuko
Walang usli sa gilid,
Sa akiý nalilingid.
Lalo’t hangiý umihip.
Ginagapi ang inip