Ang payo mo’y araw mainam simulan,
Kung nag-aagaha’t may laman ang tiyan.
Tinda mo ay saging, monay na nilamnan.
Kulang ko sa takda, nito nawa’y punan.
Kung ika’y abalang pulbusan ang mukha,
At pinapupula, nakausling tuka.
Siyang naatasan, bayad ay magtala,
Galíng sa pagk’wenta, lubhang mahahasa.
Ng aking basahin, tinda mong magasin,
Dito ko nalaman pormula ng asin.
Kislap ng bituin, nabigyan ng pansin,
At gawi ng langgam, kay sinop at sinsin.
Sa harap ng pintong laging nakanganga,
Kapwa guro’y hanap, mga pampaganda.
Klase’y magpupugay, babating masaya,
Mga panauhi’y tiyak maestima.
Aralin mong bigay, bilang sa daliri.
Sikap namang taglay, walang pasubali.
Sa maiksing kumot, di payag mabali,
Kahit magmistulang tinda’y sari-sari.
No comments:
Post a Comment