Pagsuyo’t saranghe, sa aki’y tumakas.
Sapagkat naglaho, ópa kong matikas.
Sa huni ng oras, pantasya’y napilas.
Kapag di bumangon ay sisante bukas.
Malalim ang mata’t sa tulog ay takam.
Pagkat di mapuknat sa programang hiram.
Bawat kabanata’y aking inaasam.
Kahit hanyongseyo ang tangi kong alam.
Kapos na sa oras, wala ng paligo.
Sa budbod ng tawas, wag sanang mamaho.
Kung mag amoy-kimchi, mabuting lumayo
Sa kaupisina’t sa tao’y magtago.
Habang lakad-takbong baybay ko ang daan,
Mga kasalubong, anong dahilan
At nagtatawanan? Blusa’y tiningnan –
Singkit napadilat! Bukas ang harapan.
No comments:
Post a Comment