Wednesday, September 1, 2010

Miron



Isang pagkilala sa mga miron ng Quirino Grandstand Hostage Crisis. Mabuhay ang mga miron!
(Image taken from cbsnews.com)


Di madaling mag-usyoso’t maging miron
Sa palabas na may sanglang mga buhay.
Mamang pulis na ang gusto ay mag-aksyon.
Bihag niya’y halos iwan na ng malay.

Pagkat dapat na maagap itong miron.
Kaya’t Grandstand, sa usyoso’y agad umapaw.
Naunahan pa ang pulis sa pagtugon.
Handang-handa na mag-abang buong araw.

Kung camera’y umiiikot, itong miron
Laging handa sa pagkaway at pagngiti.
Hindi naman yata bawal ang lumingon
Sa coverage at kumaway ng kaunti.

Matiyaga kung maghintay itong miron,
Abutin ma’y siyam-siyam. Sa pagtitig
Ay patuloy anupaman ang panahon:
Araw, ulan, o paa man ay mamitig.

Liksi’t bilis ay puhunan din ng miron.
Hostage-taker, nagpaulan, nagpaputok.
Dahil utol nitong parak ay kinaon.
Mga miron, sa aspalto ay dumukdok.

Mahirap ngang mag-usyoso’t maging miron
Sa palabas na hindi mo maiiwan.
Maliban kung balang-ligaw ay bumaon,
Itong miron ay ospital ang hantungan.

No comments:

Post a Comment