
Sagradong paghahanap ng iba’t ibang mga sarili
Kasabay ng masining na pagpikit ng mga mata ng
Mabunying araw at marahang paghalik ng ulap sa
Dibdib ng pagal na lupa.
Kinipkip ko sa aking dibdib ang mga aral ng maghapon.
Habang binabagtas ng aking mga paa ang daan pabalik.
Isa-isa kong pinulot ang mga hinubad na bahagi ng sarili.
Mga sariling nauna ng natagpuan noong mga nagdaang dapithapon.
Bawat dapithapon ay isang pagakakataon
Upang hanapan ng tugon ang mga naipong tanong ng araw.
Ang mga bakit, ano ,sino at kailan ay tila mga luha na
Papawiin at tutuyuin ng mabining haplos ng hangin.
Sa huling dapithapon ng ating buhay, ihahanay sa ating harapan ang
Bawat sariling ating natagpuan at matutugunan ang bawat naipong katanungan.
Maya-maya lang magsisimula nang kumindat-kindat ang mga
Bituin sa langit at mababagot na naman ang buwan sa pagbabantay
sa kahabaan ng gabi.
Bukas, panibagong araw, bago ang dapithapon.
No comments:
Post a Comment