Wednesday, September 16, 2009

Tikatik




Ngumingiti ang mga amarillo sa tuhod ng daan.
Marahil ay nakikiliti sa masuyong halik ng ambon.
Sa kabilang gilid ay pinipilit sahurin ng acacia
Ang papulo-pulong haplos ng anggi sa kanyang mga bisig.
Sa tuwing tikatik ang ulan, kumakaway-kaway ang mga damo
Tila nagdaraos ng isang sagradong ritwal.



Mayroong payak na halinang inaalok ang panahong gaya nito
Kung kailan hinahaplos ng langit ang nakakunot na noo ng lupa.
Kung kailan kinukumutan ng ulap ang sidhi ng damdamin ng araw.
Kung kailan dinadalisay ng mahinhing hangin ang haraya ng makata.


Dali ka, itiklop mo ang iyong payong.
Hayaang pumatak ang tikatik sa iyong mukha.
Lalagos sa iyong balat, titigib sa iyong damdamin
at magpapaapaw ng pag-asa.
Dali na, huwag sayangin ang pagkakataong tighawin
ang pagod at uhaw ng napapagal ding kaluluwa.


No comments:

Post a Comment