Tatlong kahon ng iyong sarili ang nakahanay malapit sa tarangkahan.
Naghihintay ng pahinanteng magbibitbit sa kung saang lupalop ka patungo.
Nadudurog ang puso ko sa tuwing igagala ang paningin sa espasyong nilikha ng iyong paglisan.
Kanina, nagpaalam kang hindi inilalapat ang mata sa aking titig.
Sabi mo- mag-ingat ako, kakain sa oras, at matutulog ng maaga.
Sabi ko- ikaw rin, wag mong pababayaan ang iyong sarili.
Matapos ang lahat ng ito, idinampi ang labi sa aking noo at pinisil ang aking palad.
Hilam na sa luha ang aking mga mata, habang tinatanaw ko ang iyong paghakbang.
Huwag kang mabahala, anuman o sinuman ang dahilan ng iyong paglayo.
Maiintindihan ng isip ko.
Sana, pati ng puso ko.
No comments:
Post a Comment