Bahagya lamang humalik ang iyong mga paa sa lupa.
Dahil bukod sa patiyad mong paglakad,
Agad kang lumipad, sumama sa langay ng mga ibon.
Pumailanlang kang nakadipa ang mga kamay.
Pinaglagos ang hangin sa iyong buhok.
Ako, at maraming iba pa; namumulot ng iyong mga naiwang bakas.
Mga gumulong na butil ng luha at mga napilas na talulot at kataga.
Marahil ay lubha kang nabighani sa tinig ng mga ada.
O nadurog ng labis ang iyong puso ng mapadaan sa tahimik na ilog.
O ninais na tumuklas, malapit sa makislap na tala,
Ng iba pang mundong doo’y imiinog.
Mula dito, tanaw ko ang iyong mga ngiti.
Mula dito, tanaw ko ang kislap ng iyong mukha.
Mula dito, tanaw ko ang iyong pagsang-ayon.
Maningning, ang lahat ng ito’y nauunawaan ko.
Dahit sa isang sining sumisikdo ang ating mga puso.
*Maningning Miclat b: April 15, 1972 d. Sept. 29, 2000
No comments:
Post a Comment