Friday, August 7, 2009

Sumbat

Pandalas ang kurap ng aking mga mata.
Paano’y hindi ko matagalan ang talim ng iyong titig.

Habang sinasalag ko ang unday ng iyong mga sulyap,
Pinipiyapis naman ang aking puso sa tuwing pakakawalan ang malalalim na buntong-hininga.

May nginig ang kibot ng iyong mga labi.
Wari’y pinipilit supilin ang mga sumbat na dito’y nakapinid.

Nais ko sanang gagapin ang iyong palad.
Ilapit ito sa aking labi at umusal ng paumanhin, ngunit nangamba ako.

Sa halip, ibinaling ang paningin sa paligid.
Sa labas, nagsimulang pumatak ang luha ng mga bituin.

Nagpulasang tila mga daga ang mga ayaw mabasa.
Sa gabing mabigat ang lambong ng hangin, ang hamog ay mapait sa lasa.

Sa pagitan natin, espasyong milya-milya.
At sorbetes na natunaw na.

No comments:

Post a Comment