Gutom na naman ang langit.
Maya-maya ay nagsimula nang bumaon
Ang mga ngipin ng ulan sa lupa.
Naunang nilapa ang mga walang pananggalang.
Marahas na nginuya ang kanilang mga ulo
At isinunod na nginata ang mga katawan.
May ilang inilaban ang kanilang payong
Sa bagsik ng ulan.
Ngunit sila ay hinipan ng hangin
At binaligtad ang mga payong.
May ibang sinubukang takasan ang mga ngipin ng ulan.
Sila’y sumilong at nagsiksikan sa nabububungang espasyo.
Ngunit sila’y inamoy nang anggi at dinilaan ng tubig-baha.
At sa huli ay nilulon ng buo ang mga katawan.
Habang kumakapal ang moog ng sasakyan sa lansangan
Tabi-tabi kaming mga bihag.
Nakahanay sa loob ng dyipni.
Nakatali ang mga kamay nang mas mataas sa ulo.
Nginangatngat ng inip ang mga paa.
Friday, October 15, 2010
Ngipin
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment