Tuesday, November 16, 2010

Ang Manghuhula

(Isang tulang tuluyan)


Kahanay niya ang iba pang mga manghuhula at mga tinder ng halamang-gamot at pampareglasa tapat ng simbahan. Sa lahat ng naroon, siya lang ang hindi nag-aalok ng hula na parang nagtitinda ng isda, kaya’t sa kanya ako lumapit. Bahagya pa siyang umismid nang maupo ako sa bangkitong nasa harapan ng kanyang mesa. “Magpapahula po.”ang sabi ko. “May iba pa ba akong inaalok?”, singhal niya.

Tikhim lang ang naisagot ko sa masungit na manghuhula. Inutusan niya akong hatiin sa tatlo ang salansan ng lumang baraha matapos balasahin. Padaskol niya akong tinanong kung ano ang gusto kong malaman. Bago ako nakasagot ay ibinida niya kung gaano kagaling ang kanyang baraha. Siya raw ay mamamatay sa panganganak ayon sa baraha, kaya’t nagpasiya siyang tumandang nag-iisa.

Bigla akong tumayo. Iniabot ko sa kanya ang isandaang-piso, dali-daling lumayo at iniwang nakanganga ang gitlang-gitlang manghuhula.

No comments:

Post a Comment