Sunday, June 12, 2011

Ang bato

… umibig ang bato sa palad, pag-ibig na sang-iglap napaangkin sa kuyom ng limang daliri bago ito ipukol sa tubig…
Kilapsaw, Rio Alma

Kagilagilalas ang aking simula.
Bumulwak akong gaya ng usok,
Asupre, abo at apoy mula sa sikmura ng mundo.
Naisip kong gaya ng aking simula,
Magiging kamangha-mangha rin ang aking silbi
Sa ibabaw ng lupa.

Nangarap akong maging bahagi ng isang tore.
Kung maari, nais kong mailagay
Sa pinakamataas na lugar.
Sa ibabaw ng iba pang mga bato
At makaulayaw ang mga ulap.
Mula sa itaas, matatanaw ko ang lupang pinagmulan.

O, kung hindi man makaangat mula sa lupa,
Nais ko rin ang mailatag sa isang makinis
At nahawan nang daan, humalik sa talampakan
Ng mga peregrinong gumagalugad
Sa mga hiwaga ng mundo.

Mainam rin kung ako’y maitanghal
Sa isang bulwagan bilang pinong-pinong
Obra ng isang eskultor.
Sasalatin ng mayuming mga daliri
Ang aking rabaw.
Paliliguan ng humahangang titig
Ang aking kabuuan.

Ngunit ang paghihintay ay nakababagot.
Makailang ulit akong dinaanan ng tag-araw.
Naghihikab na tinuya ang aking paghihintay.
Habang ang tag-ulan naman ay masugid
Sa paulit-ulit na pagtudla at pagsubok
Sa tibay ng aking dibdib.

Mula sa matikas na tipak ng bato,
Ako ngayo’y pira-piraso, durog-durog
Na nakakalat sa ibabaw ng lupa.
Nananalangin na may isang kamay
Na sa aki’y pumulot at magpukol sa lawa.
Makalikha man lamang ng mga mumunti
At panandaliang mga kilapsaw,
Bago tuluyang bumulusok sa pusod
Ng pinagmulang panglaw.


No comments:

Post a Comment