magsisimula ang lahat sa hinagap
ipupukol ang paningin sa panginoorin
at sasalatin ng diwa ang puyo ng hangin.
susubukang damhin ang kung anumang simbuyong
nagtatago sa balumbon ng mga ulap.
bagama’t walang katiyakang walang
masasal na hanging magdadala ng
pugto-pugtong anggí o simbuyong
maghahaplit ng bumubuhos na ulan,
iipunin sa gunita ang mga naglisaw na
kulay sa ropero at ibubukod ang
mapusyaw sa matingkad.
Ikukumpas ng pintor ang kamay at
Ibubudbod ang kulay sa kanbas na bulâ.
pagkadaka’y pipinuhin ang bawat
hilatsa sa batya-batyang tubig.
matapos ang lahat ng ito, ang obra ay
itatampok sa ilalim ng sikat ng araw
upang ipamalas ang tula at sining ng
pagkukusot at pagbabanlaw.
Ω
No comments:
Post a Comment