Sinlabo ng maunos na gabi ang aking isipan.
Paano’y samut saring isipín ang dito’y nagsasalimbayan.
Anupa’t sa dibdib, humihiyaw ang piping tinig,
Sanlaksang damdamin naman ang sa lalamuna’y nakabikig.
Sa mga balikat na ito, napiling ipapasan,
Ang sákit at sigwang masinsin ang salansan.
Pagal ang gulugod at nakayupyop ang dibdib.
Tigmak ng hapis ang pisngi, ang mata sa luha, ay tigib.
Nagsimula ang lahat sa isang maling pasya.
Na siyang sinamantala upang isilang ang malisya.
Pagbaón ng ngipin sa bungang ipinagbawal
Doon bumungad ang ahas na pakiwal-kiwal.
Pagkakasala’y ibinunton sa gumagapang na tukso
Napaglalangan lamang ‘pagkat ang ahas ay tusô.
Ang katotohanan - ako ay bahagi ng pagkakasala
Pagsisisi ay huli na, at simula na ng pagdurusa
Ω
No comments:
Post a Comment