Sunday, June 21, 2009

Sentimyento ng Makata

Malaon ko nang isinantabi ang paghabi ng tula.
Tila isang dalagang naglihi sa ‘di akmang panahon.
Inililihim ang pangangasim habang nasa gunita naman ang manibalang na manggang kasinglutong ng umaga.

Makailang-ulit ko nang tinanggihan ang rahuyo ng mga taludtod.
Tila isang aleng abala sa paghalo at pagsalat ng pitsa
Habang binabaltak ng musmos pang anak ang laylayan ng kanyang saya.

Sapagkat ang panghuhuli ng taludtod ay pag-usal ng dasal - panalanging bumubukal sa kaibuturan ng kaluluwa.
Habang ang iba’y paroo’t parito sa paghabol sa kani-kanilang layunin.
Ang makata ay yuyukod at magbibigay-pugay sa kanyang musa.

Punô ng tula at talinghaga ang buhay.
Masdan mo at may mga taludtod na mababasa sa noo ng ginoong
namamasada ng dyipni at may tulang nalalaglag sa lupa sa tuwing luluha ang kalangitan.

Minsan, sa gitna ng pagtipa sa makina o habang nakatanaw sa bintana ng umuusad na tren,
May isa o dalawang taludtod na magkakahugis sa isipan -
Na mabilis ding maglalaho at matutunaw sa kanipisan ng hangin.

Susubukan ko itong habulin, ngunit madalas na ako’y bigo at ang mga kataga ay nakakaalpas.
Palibhasa ay aagawin ng kalansing at kuliling ang aking pansin.
O tatapikin ng katabi ang aking balikat ‘pagkat narito na ang huling istasyon.

Salamat, may pagkakataong tulad ng ngayon .
Kung kailan ang tula ay aagos na parang tubig.At ang makata, sa utos ng kanyang sining, ay magpapaanod sa daluyong at hihinga ng malalim.

No comments:

Post a Comment